Sa isang taong ang hangad ay mailabas at maipahayag ang kanyang emosyon, saloobin,
maisagawa ang kinagigiliwang gawain, pilit niyang hahanapin ang isang mapag-anyayang lugar na halos nakabibingi ang katahimikan. Dito niya paiikutin at pipigain ang nilalaman ng kanyang diwa, damdamin at isipang pilit na nagpupumiglas…
Mainit man o malamig, maaraw man o maulan, mahangin man o maalinsangan, sumisikat o lubog na ang araw, bumabagyo o namamayapa man ang kapaligiran, walang pinipili ang taong nasa Isang Upuan. Ito— AKO!
Isang Upuan- anumang uri ng pahingahan,palipasan ng mga oras o sandali, pagmumuni-muni, pag-aalala sa mga lungkot at ligaya ng nakaraan, kasalukuyan pati na rin ang pagbuo ng mga balakin sa darating na bukas.
Maaaring ang Isang Upuang ito’y maraming pagbabagong magagawa sa isang katauhan o maging gabay para sa iba. Maaari ring magsilbing inspirasyon sa mga mambabasa at higit sa lahat, isa itong napakagandang alaala para sa mga taong minamahal ko at nagmamahal sa akin.
“Tara na. Samahan ninyo ako rito sa — Isang Upuan“
